Lim nag-resign na!

MANILA, Philippines - Minabuti na lamang ni San Beda Red Lions champion coach Frankie Lim na lisanin ang koponang hinaha­wakan upang matapos na ang problemang dulot ng pagkakasuspindi sa kanya ng dalawang taon.

Si Lim na pinagkampeon ang koponan noong 2007, 2008, 2010 at 2011, ay pinatawan ng dalawang taong suspensyon katulad kay San Sebastian women’s volleyball coach Roger Gorayeb nang magsuntukan sa isang NCAA volleyball game na ginawa sa San Beda gym.

Naunang nagpahayag ng pagmamatigas si Lim sa de­sisyong ito na inirekomenda ng Management Committee (Mancom) at sinuportahan ng Policy Board dahil hindi umano ito makatarungan dahil aalisan siya ng liga ng karapatang kumita ng maayos.

Ngunit lumambot ang posisyon ni Lim na naglaro rin sa San Beda at kasama ng 1978 champion team, nang hindi pa naiaapela ang desisyon sa bagong Policy Board na pamumunuan ni Letran Rector-President Fr. Tamerlane R. Lana, O.P.

Wala pang opisyal na mensahe ang pamunuan ng San Beda pero si Lim ay humarap na sa kanyang mga manlalaro kahapon upang magpaalam.

“It’s time,” matipid na text message ni Lim sa kanyang biglaang desisyon.

Nalungkot ang mga manlalaro sa nangyari pero wala silang magagawa kundi ang tanggapin ang desisyon ni Lim na minsan ding naupo bilang team manager ng Smart Gilas Pilipinas.

“Wala pang official message ang San Beda dahil hinihintay ko pa ang kanilang statement. Kung makuha ko na ay ipaaalam ko agad,” wika ni San Beda athletic director Jose Mari Lacson.

Sa ngayon ay naghahanap na ang pamunuan ng taong papalit kay Lim at sinasabing nagtatagisan sa pu­westo sina Meralco Bolts assistant coach Ronnie Magsanoc at Ateneo assistant coach Jamike Jarin.

Ngunit sinasabing tinutumbok ng nakararaming SBC officials at mga suporters ng koponan ang 46-anyos na si Magsanoc dahil nagmula siya sa paaralan at naglaro sa Red Cubs kasama si Benjie Paras.

Show comments