Yang giniba ni Bustamante, team Phl itinabla sa team Asia sa PBB
MANILA, Philippines - Hindi pinahintulutan ni Francisco “Django” Bustamante na makatikim ng panalo si Yang Ching-shun ng Chinese -Taipei sa idinadaos na Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face-Off Series nang kunin ang 9-3 tagumpay noong Sabado ng gabi sa Pagcor Airport Casino sa Parañaque City.
Agad na binuksan ng 48-anyos na si Bustamante ang 5-2 kalamangan at mula rito ay hindi na hinayaan na makabangon pa para sungkitin ang $5,000 unang gantimpala.
Ito rin ang ikalawang panalo sa dalawang laro ni Bustamante sa torneong inorganisa ng Mega Sports World at BRKHRD Corp. at suportado rin ng Malunggai Life Oil, Mandarin Sky Seafood Restaurant, Hermes Sports Bar, Golden Leaf Restaurant, Bugsy Promotions, Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) at The Philippine Star na siyang official media partner ng torneo.
Unang panalo ni Bustamante ay laban kay Ko Pin-yi, at ang huling tagumpay ay nagresulta upang magkatabla na ang Team Philippines sa Team Asia matapos ang anim na laro, 3-3.
Ang huling laro sa buwang ito ay sa pagitan nina Ronato Alcano at Chang Yu Long ng Chinese-Taipei sa Marso 31.
- Latest
- Trending