Milojevic, Sanders kampeon

MANILA, Philippines - Tuluyang pinatunayan ni Nikola Milojevic ng Serbia ang pagiging top seed sa 23rd Mitsubishi Lancer International Tennis Championships nang talunin ang 11th seed na si Jordan Thompson, 6-0, 7-5, at ibul­sa ang boys’ singles title sa pagtatapos kahapon ng torneo sa Rizal Memorial Tennis Center.

Hindi naman nagpahuli kung pagpapasiklab ang pag-uusapan si Storm Sanders ng Australia nang kumpletuhin ang pagba­ngon mula sa qualifying round tungo sa paghablot sa girls singles title gamit ang 4-6, 6-3, 6-1, tagum­pay kontra sa fourth seed na si Anna Tyulpa ng Russia.

Ito ang ikatlong sunod na torneo sa buwang kasalukuyan nina Milojevic at Sanders at tinabunan ni­la ang nararamdamang ka­paguran ng masidhing ha­ngarin na manalo upang magsilbing momentum tu­ngo sa gagawing kampan­ya sa Europa.

Naramdaman ni Milojevic ang pagkapagal sa second set dahilan upang mawala ang 4-0 kalama­ngan at makatabla sa 5-5 si Jordan.

Pero naging agresibo uli ang ngayon ay number 7 sa mundo na si Milojevic para walisin ang sumunod na dalawang game.

Ito ang ikalawang sunod na titulo sa Grade I para sa 17-anyos, Serbian netter ngayong taon.

Show comments