MANILA, Philippines - Hindi napanatili ni Jurence Zosimo Mendoza ang momentum na kanyang inagaw upang mamaalam na sa idinadaos na 23rd Mitsubishi Lancer International Tennis Championships boys singles nang lasapin ang 6-7 (1), 0-6, pagkatalo sa top seed na si Nikola Milojevic ng Serbia kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Humabol si Mendoza mula sa 3-5 pagkakalubog sa pamamagitan ng pagpanalo sa sumunod na tatlong game upang umangat sa 6-5.
Pero hindi bumigay si Milojevic at pinaabot sa tie-break ang laban nang mag-hold-serve sa 12th game.
Mula rito ay naging mabangis na ang 17-anyos, 6’3 netter mula Belgrade at nanalo sa tie-break bago tuluyang kinumpleto ang pagdodomina nang walisin ang second set.
“It’s very hard for me to play in this very hot condition. But I won because of my experience having played more tournaments than him. But he is young and he will continue to improve,” wika ni Milojevic na nasa ikapitong puwesto na sa boys ranking sa mundo.
Pupuntiryahin ng bisitang netter ang ikalawang sunod na kampeonato matapos dominahin ang laro sa Malaysia noong nakaraang linggo, sa pagbangga laban sa 11th seed Jordan Thompson ng Australia na tinalo si Krittin Koaykul ng Thailand, 6-0, 6-1, sa isang semis match.
“I’ve never played with him but let’s see what will happen,” ani pa ni Milojevic na nagsimulang maglaro ng tennis sa edad na pitong taon.
Bigo man sa hangaring pantayan o higitan ang runner-up na pagtatapos ni Jeson Patrombon noong nakaraang taon, wala namang dapat ikahiya si Mendoza sa ipinakita dahil naabot niya ang semis matapos umani ng apat na panalo at dalawa rito ay laban sa mga seeded players na sina fourth seed James Frawley ng Australia at 16th seed Siyu Liu ng China
Ang girls singles title ay paglalabanan nina Australian qualifier Storm Sanders at fourth seed Anna Tyulpa ng Russia.
Tinalo ni Sanders ang eight seed na si Nao Hibino ng Japan, 6-4, 6-4, habang na-upset din ni Tyulpa ang second seed na si Carol Zhao ng Canada, 6-4, 6-3, para umusad sa finals.