MANILA, Philippines - Hindi nawala ang tikas ng paglalaro nina Marian Jade Capadocia at Jurence Zosimo Mendoza upang maalpasan ang second round sa 23rd Mitsubishi Lancer International Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Kinalos ni Capadocia ang 14th seed Klaartje Liebens, 6-3, 6-1, habang si Mendoza ay pinagpahinga ang fourth seed at 45th ranked sa mundo na si James Frawley ng Australia, 6-1, 6-4, para maipagpatuloy ang paghahangad sa kampeonato sa singles sa kompetisyong inorganisa ng Philta at suportado ng Mitsubishi Lancer Philippines na may basbas ng International Tennis Federation (ITF).
“Sinikap ko lang na ibalik-balik ang bola niya at isinantabi ko ang kaunting bad calls na nangyari,” wika ni Capadocia.
Tatangkain ng 16-anyos na mapantayan ang best finish sa tatlong sunod na paglalaro sa kompetisyon na isang quarterfinalist sa pagharap sa third seed na si Barbora Krejcikova ng Czech Republic na nagwagi kay Kanika Vaidya ng India, 6-7(5), 6-3, 6-2.
Mga aces at magagadang returns ang naging puhunan naman ng 15-anyos na si Mendoza upang kalusin si Frawley.
Ito ang ikalawang taon pa lamang ni Mendoza na practice player sa Philippine Davis Cup at nahigitan na niya ang first round na naabot noong 2011.