Suns 'di sumikat sa Erasers
MANILA, Philippines - Humugot ng magandang numero mula sa mga beteranong sina Mark Acosta at Jett Vidal ang baguhang Erase Plantcenta para mangibabaw sa bagito ring Cagayan Rising Suns, 90-68, sa idinaos na PBA D-League Foundation Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang 6’3 na si Acosta ay tumapos taglay ang nangungunang 26 puntos at sumablay lamang ng isa sa pitong birada sa 3-point line habang si Vidal ay may 25 puntos at ang Erasers ay nakabangon matapos ang 57-74 pagkakadurog sa kamay ng Café France noong Huwebes.
“Medyo nangapa pa sa first game pero ngayon, na-execute namin ng maayos ang aming game plan,” ani coach Efren “Yong” Garcia.
Mula sa 39-30 halftime lead, nagsanib puwersa sina Acosta, Vidal at Allan Mangahas sa ikatlong yugto upang ilayo ang koponan sa 68-46.
Si Junar Arce ay mayroong 16 puntos at 19 rebounds para sa Suns na hinawakan ni assistant coach Francis Rodriguez dahil ang head coach na si Alvin Pua ay suspindido sa loob ng tatlong laro dahil sa pananapak ng referee sa isang tune-up game noong nakaraang Linggo.
Naghatid naman ng 12 sa kanyang 18 puntos si Mikee Reyes sa huling yugto para tulungan ang Jr. Powerade Tigers na angkinin ang 84-79 panalo laban sa Blackwater Sports sa tampok na laro.
Binuksan ni Reyes ang aksyon sa huling 10 minuto sa pamamagitan ng magkasunod na tres para tuluyang ibigay ang kalamangan sa Tigers, 65-62.
Si Claude Cubo ay nagtapos taglay din ang 18 puntos bukod pa sa 8 rebounds para makasalo ang koponan sa liderato kasama ng NLEX, Cebuana Lhuillier at Café France.
- Latest
- Trending