MANILA, Philippines - Bagamat 34-anyos na siya, wala pa din sa katawan ni Rudy Hatfield ang panghihina.
Tinulungan ni ‘H-Bomb’ ang Barangay Ginebra sa dramatikong 94-91 overtime win laban sa nagdedepensang Talk ‘N Text noong Linggo ng gabi sa 2012 PBA Commissioner’s Cup.
Dahilan dito, hinirang ang Fil-Am forward bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Nagposte si Hatfield ng bagong career-high 30 points at humakot ng 14 rebounds, 2 assists, 2 steals at 1 blocked shot sa naturang tagumpay ng Gin Kings laban sa Tropang Texters.
Winakasan ng Ginebra ang kanilang dalawang sunod na kamalasan para makabalik sa labanan sa isa sa dalawang outright semifinals seat.
“That’s what he brings,” sabi ni coach Siot Tanquingcen sa ipinamalas ni Hatfield.
May 4-3 kartada ngayon ang Ginebra katabla ang Powerade sa ilalim ng Talk ‘N Text (5-2) at B-Meg (5-2) kasunod ang Alaska (4-4), Air21 (3-4), Petron (3-4), Barako Bull (3-4), Meralco (3-5) at Rain or Shine (2-5).
Matatandaang saglit na iniwanan ni Hatfield ang Gin Kings noong nakaraang season bago bumalik sa Commissioner’s Cup.
Sa panalo laban sa Tropang Texters, naglista si Hatfield, unang naglaro sa PBA para sa Tanduay Rhum noong 2000, ng 14-of-21 field goal shooting na tinampukan ng kanyang 13 points sa fourth quarter.
Ang 6-foot-4 forward ang umiskor ng huling 5 puntos ng Ginebra sa regulation period bago nauwi sa overtime, 87-87, ang laro.