MANILA, Philippines - Muling tatayo bilang punong-abala ang Cebu City para sa 2012 Private Schools Athletic Association (PRISAA) National College Games mula Abril 22 hanggang 28.
Ang Abellana Sports Complex ang siyang pagdarausan ng labanan na katatampukan ng mahuhusay na manlalaro mula sa pribadong paaralan.
May 16 sports ang paglalabanan sa taong ito na athletics, swimming, boxing, taekwondo, baseball, basketball, beach volleyball, football, sepak takraw, softball, volleyball, badminton, chess, dance sports lawn tennis at table tennis.
Magiging panauhing pandangal sa pagbubukas si sports patron Manuel V. Pangilinan na pumayag na maging honorary chairperson ng sportsfest na nagsimula noong Pebrero 17, 1953 at ibinalik noong Hulyo 2, 1990.
“Mr. Pangilinan’s presence will definitely inspire our young athletes to improve their performance and excel in their respective sports,” wika ni PRISAA national chairman at dating pinuno ng CHED na si Dr. Emmanuel Angeles ng Angeles University Foundation.
Babanderahan ng Angeles University Foundation, isa sa mga mahuhusay na paaralan sa Central Luzon, ang mga kalahok na universidad at kolehiyo sa nasabing tournament.