Napakasakit tanggapin ang pagkatalo ng mga Azkals laban sa Turkmenistan nung Biyernes.
Napakasakit Kuya Eddie.
Mantakin mo, lamang na ang Azkals ng 1-0 sa huling sampung minuto ng laban sa semifinals ng AFC Challenge Cup sa Nepal ng tumama ang disgrasya.
Umiskor ang Turkmenistan sa 81st minute. At sinundan pa ito ng marginal goal sa 86th minute. Mahirap yata umiskor ng dalawang goals sa loob ng limang minuto.
Kung baga sa basketball, lamang ka ng 46 minutes pero natalo ka sa last two minutes. Kung sa karera naman ng kabayo eh sa meta ka na inabot ng kalaban.
Sayang talaga ang pinagpaguran nila sa laban na ito dahil kung nanalo ang Azkals ay umabot sana sila sa finals laban sa North Korea. Biyaheng langit sana sila.
Pero nang makatabla ang Turkmenistan ay parang nag-panic ang mga Azkals. Nagulantang ang kanilang depensa kaya di nagtagal para maka-score ulit ang bankala.
Nag-celebrate ng husto ang mga manlalaro na tubong Russia matapos ang laban. Maputla na kasi ang mga mukha nila bago sila umiskor ng dalawang sunod.
Ang mga Azkals naman ay malungkot na tumungo sa kanilang dressing room. Mabuti na lang at wala dun si Cristy Ramos o ang mga Unang Hirit hosts na sila Arnold Clavio at Rhea Santos.
May sexual harassment case na hinaharap ang dalawang Azkals laban kay Ramos, at sila naman ay tila may libel case na isasampa laban kay Clavio at Santos ng GMA-7.
Sayang talaga ang laban na yun. Pero sa kabilang banda ay deserving pa din naman ang Azkals dahil unang beses lang sa history na umabot tayo sa semis ng Challenge Cup.
Malayo na talaga ang narating nila. At dahil sa galing tayo sa ibaba, sa sahig kung baga, ay lahat ng daanan nila paakyat ay tinatawag na “historic” at “unprecedented.”
Masakit lang na sa kanilang pag-akyat ay mga negative issues na humihila sa kanila pababa. Kung kasalanan man nila ito o hindi, sana ay maiwasan ang mga ito.
Para naman sa susunod na lumaban sila ay walang istorbo sa kanilang mental preparations. Hindi ko lang alam kung ano ang epekto ng mga issues na ito sa kanilang laro.
Mukhang wala naman dahil nga umabot pa sila sa semis ng Challenge Cup. Pero iba na ang malinis at malinaw ang pag-iisip ng isang atleta o ng isang team patungo sa laban.
Mas masarap din isipin na ang buong bayan mo ay nasa likod mo at hindi yung baka may ibang naghahangad ng iyong pagkatalo.
Hindi tayo kabilang doon. Katunayan ay isa tayo sa mga bumabati sa Azkals.
Congratulations at more power sa inyo! At isa pa nga pala. Behave!