PSC List, Negatibo Nga Ba?
Ano ang basehan ng Philippine Sports Commission (PSC) sa kanilang listahan?
Hindi listahan ng jueteng o nang kung anuman ang inirereklamo ng karamihan sa mga atleta natin ngayon. Ang listahan na tinutukoy ay ang listahan ng PSC ng mga popondohang athletes hanggang 2014.
May 150 na atleta na ang napipili na ang karamihan ay mga medalists sa 2011 Southeast Asian Games. Sampung sports ang prayoridad ng PSC. Ang mga atleta ay tatatanggap ng P25,000 to P40,000 na allowances. Bukod pa ito sa mga natatanggap na benepisyo ng mga national athletes sa kanilang National Sports Associations (NSAs)
Maraming atleta na hindi na napasama sa listahan ang umaangal. Ang estimate natin ay mahigit sa 600 na atleta ang mawawalan ng allowances. Hindi kasi nakasama ang kanilang sports. Karamihan sa mga ito ay mula sa team sports kasama na ang baseball.
Hindi naman sa pinababayaan ang mga hindi nakasamang atleta sa listahan, pero inilalagay lamang ng PSC ang pondo ng gobyerno sa maayos na investment.
Sang-ayon tayo sa naging kriterya ng PSC. Kasama sa kanilang kriterya sa pagpili ng iisponsoran na athletes ay yaong hindi pa magreretiro o mapapakinabangan pa hanggang sa 2013 at 2014. Bukod dito, sinala din ang mga kalusugan ng mga atheletes.
Kahit na kasi mga athletes ang mga iyan, ang iba ay mayroon pa ring “sakit.” Nariyan ang diabetic o kaya ay may hypertension. Natural lamang na nais ng PSC na ilagay ang pera ng publiko sa maayos na kalalagyan.
Para bang nag-iinvest at ang gusto mo ay mayroong kahahantungan ang investment mo.
At siyempre, nagsisiguro ang PSC kaya naman todo ang pa-medical ng mga atletang napili. Nakikipag-ugnayan din ang Philippine Olympics Committee. Maliit lamang kung tutuusin ang inilaang taunang pondo sa proyektong ito, kaya nga todo-higpit ang PSC. At dahil maliit lamang ang budget, hindi puwedeng mabigyan ang lahat.
Alam naman ni Garcia na babatikusin ang kanyang prioritization plan para sa mga atletang mapipili, pero ika nga ang sports ay isang business, kaya dapat lamang na suriing mabuti kung san ilalagay ang investment.
Kaya nga’t nararapat lamang na mag-isip na ang pamunuan ng mga NSAs na may mga atletang hindi kasama sa priority sports, at maging ang POC. Kinakailangan na nilang maghanap ng mga pribadong sponsor para matulungan ang mga atletang hindi mabibigyan ng allowances.
- Latest
- Trending