Jaro magbabago ng estratehiya
MANILA, Philippines - Isang matangkad na Japanese challenger sa katauhan ni Toshiyuki Igarashi ang hahamon sa bagong world flyweight champion na si Sonny Boy Jaro sa Hunyo.
Sinabi ni Aljo Jaro, manager Sonny Boy, na babaguhin nila ang kanilang estratehiya sakaling maitakda ang naturang title defense kontra kay Igarashi sa Hunyo.
“Matangkad ‘yung Japanese challenger kaya babaguhin namin ‘yung strategy namin,” wika kahapon ni Jaro sa 5-foot-5 1/2 na si Igarashi sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.
Bitbit ng 5’2 1/2 at 29-anyos na si Sonny Boy ang 34-10-5 win-loss-draw ring record kasama ang 24 KOs, habang may 15-1-0 (10 KOs) card naman ang 28-anyos na si Igarashi.
Pinabagsak ni Jaro si Pongsaklek Wonjongkam (83-4-2, 44 KOs) sa sixth round upang agawin sa Thai boxer ang suot nitong World Boxing Council (WBC) flyweight crown sa Chonburi, Thailand.
Gusto ni Jaro na gawin ang unang title defense ni Sonny Boy sa bansa.
Subalit kung mas malaking pera ang ilalatag ng grupo ni Igarashi ay malamang na sa Japan magdepensa si Sonny Boy ng kanyang WBC flyweight title.
- Latest
- Trending