MANILA, Philippines - Kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan sa Halchowk Stadium ay ang pagdiriwang ng maliit na delegasyon mula Pilipinas matapos angkinin ng Azkals ang 2-1 come-from-behind panalo sa Tajikistan sa pagtatapos kahapon ng 2012 AFC Challenge Cup group elimination.
Si Angel Guirado na inaakusahan ng sexual harassment ang siyang nanguna sa malakas na laro sa second half upang pawiin ang goal ng Tajik booters sa second minute sa injury time sa first half.
Nalusutan ng 23-anyos na Fil-Spanish na si Guirado ang depensa ni Davron Ergashev bago binigyan ng tamang spin ang bola na lumampas sa goalie na si Alisher Tuychiev at defender Sokhib Suvonkulov tungo sa madaling goal ni Phil Younghusband sa 54th minute para sa 1-1 iskor.
Nagpalitan ng mga atake ang magkabilang koponan bago sinuwerte ang Azkals nang ang cross pass ni Younghusband ay naging goal para kay Guirado nang tumama ang bola sa kanyang balikat tungo sa bentahe.
Mahigpit na depensa na ang nakita pa sa Azkals sa sumunod na tagpo upang biguin ang mga atake ng Tajikistan, ang kampeon noong 2006, para angkinin ng Pilipinas ang kauna-unahang pag-usad sa semifinals sa dalawang paglalaro sa Challenge Cup.
Sa pangyayari, ang Pilipinas na number two team sa Group B sa 2-1 karta, ang makakaharap ng top Group A team na Turkmenistan sa semifinals na gagawin sa Biyernes sa ganap na alas-4:30 ng hapon.
Ang mananalo sa larong ito ang makakatuos ng magwawagi sa pagitan ng North Korea at Palestine sa isa pang semis match.
Ang North Korea na siyang nagdedepensang kampeon ang nanguna sa Group B gamit ang mahusay na 3-0 karta nang umukit ito ng 4-0 panalo laban sa India sa isa pang laro kahapon.