NLEX sisimulan ang kampanya vs BigChill
MANILA, Philippines - Sisimulan ngayon ng NLEX Road Warriors ang makasaysayang kampanya sa ikatlong sunod na titulo sa pagbangga sa Big Chill sa pagbubukas ng PBA D-League Foundation Cup sa San Juan Gym.
Ipaparada uli ang manlalarong nakatulong sa paghablot ng Road Warriors sa naunang dalawang titulo, hanap ng tropa ni coach Boyet Fernandez ang malakas na panimula upang maiparating ng maayos ang masidhing hangarin na madomina pa ang nasabing conference.
Sina Calvin Abueva, Ian Sangalang, Garvo Lanete, Cliff Hodge at Chris Ellis ay babalik at makakasama nila sa conference na ito ang dating defensive player ng 4-peat UAAP champion Ateneo na si Kirk Long.
Ang Super Chargers ay papasok sa liga mula sa pagiging isang semifinalist sa Aspirant’s Cup.
Ang karanasang ito ng mga manlalaro ni coach Arsenio Dysangco ay magreresulta para mas humusay ang mga ito.
Pinalakas pa ang Big Chill sa paghablot kina Jeff Viernes at Mark Montilla at kung makakapag-jell agad ang mga baguhang manlalaro ay hindi malayong mabigyan nila ng matinding laban ang mas pinapaborang NLEX.
Sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon ay mag-uunahan ang Blackwater Elite at RnW Pacific Pipes sa pagtala ng unang panalo sa liga.
Pinalakas ni Elite coach Leo Isaac ang kanyang manpower sa paghila kina 6’6’ Fil-Am Kelly Nabong, 6’5” Mark Jeffries at shooting guard Paul Zamar sa hangaring maalpasan ang elimination round.
Si Alfredo Jarencio naman ang mauupong bagong head coach ng Pacific Pipes at dinala niya sa koponan sina Jeric Teng, Rocky Acidre at Jan Colina para mas lumalim ang kanyang bench.
Sampung koponan ang magtatagisan sa ligang ito at ang iba pang regular teams ay ang Cebuana Lhuillier, Boracay Rum, Café France at Jr. Powerade Tigers. Ang mga bagitong koponan na Cagayan Rising Suns at Erase Placenta ang kukumpleto sa mga kalahok.
- Latest
- Trending