DZMM Takbo Para Sa Karunungan dinomina nina Buenavista, Banayag
MANILA, Philippines - Muling namayani ang mga nagkampeon noong nakaraang taon sa ginanap na 2012 DZMM Takbo Para sa Karunungan sa Quirino Grandstand sa Luneta kung saan higit sa 5,000 ang tumakbo para matulungan ang 75 na iskolar na nasalanta ng bagyong Sendong at Ondoy.
Nagreyna sa wo-men’s 21-kilometer run ang 29-anyos na si Jho-an Banayag, nanguna sa 25km race noong nakaraang taon, sa kanyang bilis na 01:26:29.
Ang beteranong si Eduardo Buenavista naman ang naghari sa men’s 21km race sa kanyang tiyempong 1:09:05.
Nanalo naman sa men’s 10k si Jujet De Asis (32:51) kasunod sina Justin Tabunda (33:04) at Alquin Bolivar (33:07), habang si Mirasol Abad (39:57) ang nanaig sa women’s class sa itaas nina Christobel Martes (41:06) at Luisa Raterta (46:41).
Namigay din ng special awards ang DZMM para sa mga foreign runners, kabilang na ang Kenyan na si Irine Kipchumba (39:36) na itinanghal na pinakamabilis sa 10km race.
Siya rin ang nanguna sa 10km female sprint noong nakaraang taon.
Ito na ang ika-13 na taon ng fun run ng DZMM, na isinagawa ang “Takbo Para sa Kalikasan” mula 1999 hanggang 2010 para maglikom ng pondo para sa mga proyektong pangkalikasan. Ilan lamang sa mga tanyag na personalidad na nakilahok sina ABS-CBN Chairman at CEO Eugenio Lopez III, ABS-CBN Manila Radio Division Head Peter Musngi, aktor na si Matteo Guidicelli, at DZMM anchors na Karen Davila, Ariel Ureta, Cory Quirino, Freddie Webb, at Gerry Baja. Nagpakita rin ang alkalde ng Maynila na si Mayor Alfredo Lim upang magbigay suporta at maghudyat ng simula ng 21km race.
Pinarangalan din ng DZMM ng special awards ang pinakamalaking grupo mula sa gobyerno (PhilHealth) at non-government organization (CFC ANCOP Tekton Foundation, Inc.).
- Latest
- Trending