Lopez, Cuello lumapit sa world title fight

MANILA, Philippines -  Lumapit sina WBC No. 1 superflyweight Silvester Lopez at WBC No. 2 minimumweight Denver Cuello para sa tsansang maging isang Filipino world boxing champion matapos manalo sa kani-kanilang mga laban noong Linggo.

Pinabagsak ng 24-an­yos na si Lopez si Yuki Fukumoto ng Japan sa 0:19 ng fourth round sa Flash Grand Ballroom sa Elorde Sports Complex, Sucat, Parañaque, habang pinaluhod ng 25-anyos na si Cuello si Kid Suryana ng Indonesia sa 1:48 ng fourth sa Jaro Plaza Gym, Iloilo City.

Dahil dito, inaasahang makakakuha ng title bid sina Lopez at Cuello.

Tiniyak na ni WBC pre­si­dent Jose Sulaiman kay Lopez ang paglaban nito sa mananalo kina WBC 115-pound titleholder Suriyan Sor Rungvisai ng Thailand at Yota Sato ng Japan sa Marso 27 sa Tokyo.

Makakasama ni Lopez sa panonood sa naturang laban ang kanyang ma­nager na si Gabriel (Bebot) Elorde, Jr.

Laban kay Fukumoto, isang right hook ni Lopez ang nagpabagsak sa Japanese para sa isang mandatory eight-count sa third round bago siya naisalba ng bell.

Pagsapit sa fourth round, kumonekta si Lopez ng isang left-right combination na nagpaluhod kay Fukumoto kasunod ang paghagis ng kanyang cornerman ng puting tuwalya para itigil ang laban.

May 19-3-1 (15 KOs) record ngayon si Lopez.

Anim na sunod na suntok naman ang pinakawalan ni Cuello (30-4-6, 20 KOs), laban kay Suryana para patumbahin ang Indonesian sa fourth round.

Show comments