MANILA, Philippines - Tumimbang si dating Filipino world title contender Bernabe Concepcion ng 125.5 pounds, habang isang oras namang nagpapawis si undefeated featherweight Miguel Angel ‘Mikey’ Garcia para makuha ang weight limit para sa kanilang suntukan ngayon sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico.
Lalabanan ni Concepcion si Garcia para sa WBO North American Boxing Organization (NABO) at North American Boxing Federation (NABF) featherweight titles.
Nagbabandera si Concepcion ng 29-5-1 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs kumpara sa malinis na 27-0-0 (23 KOs) slate ni Garcia.
“This is a do or die fight for me,” sambit ng 24-anyos na si Concepcion na nasa ilalim ng MP Promotions ni Manny Pacquiao.
Isang split decision victory ang kinuha ni Concepcion laban kay Aaron Garcia (10-3-2, 2KOs) noong Oktubre sa San Manuel Indian Casino sa Highland, California.
Lumaban si Concepcion para sa WBO featherweight championship noong Hulyo 10, 2010 kung saan siya bumagsak sa second round laban kay Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico.
Nauna nang na-disqualified si Concepcion sa kanilang WBO featherweight fight ni American Steven Luevano noong Agosto 15, 2009.
Matapos ang pagtunog ng bell sa round seven ay sinuntok ni Concepcion si Luevano kaya agad siyang diniskuwalipika ni American referee Mr. Jay Nady.