MANILA, Philippines - Magpapatatag pa sa kanilang puwesto sa itaas ng standings ang AirAsia Philippine Patriots at San Miguel Beeermen sa pagharap nila sa magkahiwalay na laro sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) ngayong gabi.
Nasa The Mahara Square sa Jakarta ang Patriots para sagupain ang Indonesia Warriors sa alas-6 ng gabi habang ang Beermen ay nasa Ynares Sports Arena sa Pasig City sa ikalawang pagtutuos nila ng nagdedepensang Chang Thailand Slammers sa ganito ring oras.
Hanap ng koponang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco na makabangon matapos ang 66-68 kabiguan sa laro nila ng Beermen noong nakaraang Linggo para magwakas ang anim na sunod na panalo.
May 7-2 baraha ang Patriots at kailangan nilang manalo para mapanatiling hawak ang liderato sa walong koponang liga.
Tinalo ng Patriots ang Warriors sa unang pagtutuos, 86-73.
Itataya naman ng Beermen ang kanilang two-game winning streak sa pagbangga uli sa Slammers na kanila nang hiniya sa unang bakbakan, 68-59.