MANILA, Philippines - Bagamat hindi siya isang 7-foot-1 at malakas sa rebound na kagaya ni Chris Alexander, naging impresibo naman ang laro ni bagong import Jackson Vroman para sa kanyang debut game.
Umiskor ang 6-foot-10 na si Vroman ng 19 markers, habang tumipa si Mark Caguioa ng game-high 31 points at 8 rebounds para ihatid ang Barangay Ginebra sa 105-96 panalo laban sa Powerade sa 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
“We just needed the win,” sabi ni Caguioa, humugot ng 18 markers sa third quarter kung saan nakalayo ang Gin Kings mula sa 49-48 halftime lead kontra sa Tigers. “
Bitbit ngayon ng Ginebra ang 3-1 kartada sa ilalim ng nagdedepensang Talk ‘N Text (3-0) kasunod ang Alaska (3-2), B-Meg (3-2), Powerade (2-2), Petron Blaze (2-2), Barako Bull (2-3), Air21 (1-2), Rain or Shine (1-3) at Meralco (1-4).
Ikinasa ng Gin Kings ang isang 13-point lead, 80-66, sa likod nina Caguioa, Vroman, Mike Cortez at Rudy Hatfield sa pagpinid ng third period matapos makadikit ang Tigers sa halftime, 48-49.
Buhat sa isang three-point shot ni John Wilson at 3-point play ni Rico Villanueva, ipinoste ng Ginebra ang isang 18-point advantage, 86-68, sa 10:44 ng final canto.
Isang 16-7 atake ang inilunsad nina rookie JVee Casio, Marcio Lassiter at Josh Vanlandingham upang mailapit ang Powerade sa 84-93 agwat sa 3:43 ng laro bago ang isang jumper ni Hatfield at two-handed slam dunk ni rookie Dylan Ababou para muling ilayo ang Ginebra sa 101-88 sa huling 2:10 nito.
Nagdagdag si Cortez ng 15 points para sa Gin Kings, habang may 10 si Ababou.
Binanderahan naman ni Gary David ang Tigers mula sa kanyang 23 markers kasunod ang 19 ni Lassiter.
Ginebra 105 - Caguioa 31, Vroman 19, Cortez 15, Ababou 10, Hatfield 7, Villanueva 6, Wilson J. 5, Helterbrand 5, Raymundo 5, Mamaril 2, Labagala 0.
Powerade 96 - David 23, Lassiter 19, Casio 18, Jones 13, Kramer 10, Vanlandingham 6, Anthony 5, Lingganay 2, Calimag 0, Adducul 0, Crisano 0
Quarterscores: 29-22; 49-48; 80-66; 105-96.