MANILA, Philippines - Sisikapin ng mainit na AirAsia Philippine Patriots na pagbayarin ang San Miguel Beermen sa kanilang ikalawang pagkikita sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) ngayon sa The Arena sa San Juan.
Ang Beermen ang natatanging koponan na nagpatikim ng talo sa Patriots na nangyari noong Enero 14, 78-70, at ito ang nais na bawiin sa larong itinakda sa ganap na alas-2 ng hapon.
Matapos ang nasabing pagkatalo, ang Patriots ay umarangkada ng anim na sunod na panalo upang mahawawakan ang pangunguna sa liga sa 7-1 karta.
Sina Anthony Johnson, Aldrech Ramos, Al Vergara, Ardy Larong at Jonathan Fernandez ang siyang mga nagsasanib puwersa sa mga huling laro upang pawiin ang di impresibong paglalaro mula kay Nakiea Miller.
Ang 6’9 na si Miller ay naghatid lamang ng 9 puntos at 5 rebounds pero naisantabi ito ng Patriots dahil sa pagsusumikap ng ibang kakampi para iuwi ang 80-72 panalo sa Bangkok Cobras sa huling asignatura.
Si Dalron Johnsoh ang aasahan ni coach Bobby Parks na nananalig din na kukuha ng mas magandang numero kay 6’11 Jarrid Famous.