Jaro WBC flyweight champion
MANILA, Philippines - Idagdag na si Sonny Boy Jaro sa hanay ng mga boksingero ng bansa na mayroong lehitimong world title.
Pinatumba ng 29 anyos na si Jaro ang number eight sa pound for pound list na si Pongsaklek Wonjongkam ng Thailand ng tatlong beses sa first, third at sixth round upang tuluyang agawin ang WBC flyweight title sa labang ginanap sa Chonburi, Thailand.
Natulala ang mga Thais na sumuporta kay Pongsaklek nang bumulagta ito sa first round matapos masapol ng right uppercut.
Muling humalik sa lona ang 34-anyos Thai champion sa ikatlong round sa malakas na kanang straight at tinapos ni Jaro ang laban sa sixth round gamit ang matinding kombinasyon.
Hindi na nakabangon pa si Pong saklek sa pagkakataong ito para maihanay si Jaro kalinya sina Manny Pacquiao. Nonito Donaire Jr., Brian Viloria at Donnie Nietes na mga world champions ng bansa.
Ito ang ika-34 panalo sa 49 laban ni Jaro na mayroon na ring 24 knockout wins. Ito rin ang ikatlong tangka ni Jaro na makahawak ng lehitimong world title matapos mabigo kina Edgar Sosa noong 2008 para sa WBC light flyweight at Giovani Segura noong 2009 para sa WBA light flyweight title.
Nalasap naman ni Pongsaklek ang kanyang ikaapat lamang na pagkatalo matapos ang 89 laban pero tila pababa na talaga ang ipinakikita ng Thai champion.
Bago ang bakbakang ito ay hinarap ni Pongsaklek si Hirofumi Mukai ng Japan noong Disyembre 23 at ang laban para sa kanyang titulo ay nauwi sa technical draw dala ng malaking putok sa kilay ng Japanese challenger na nangyari sa first round.
Tiningala si Pongsaklek sa dibisyon dahil sa husay nitong lumaban. Taong 2001 nang angkinin niya ang titulo sa WBC matapos talunin ang dating kampeon na si Malcolm Tunacao ng Pilipinas sa 1st round KO.
Hinawakan niya ang titulo sa loob ng anim na taon at naisuko lang nang yumukod sa unanimous decision laban kay Daisuke Naito noong 2007.
- Latest
- Trending



















