MANILA, Philippines - Krusyal sa ipakikitang emosyon ni Manny Pacquiao kung ang hanap na panalo laban kay Timothy Bradley sa Hunyo 9 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas ang pag-uusapan.
Ito ang nakikita ng nirerespetong boxing trainer at ESPN boxing commentator na si Teddy Atlas na binibigyan din ng tsansa si Bradley na makapanorpresa laban sa pound for pound king.
Kapansin-pansin umano kay Pacquiao ang kawalan ng intensidad noong hinarap si Juan Manuel Marquez ng Mexico na siyang dahilan kung bakit muntik itong natalo.
“I saw less urgency and less fire and less taking of chances that we used to see with Pacquiao,” wika ni Atlas sa panayam ni Percy Crawford.
Hindi naman masisisi kung ganito ang ipinakita ni Pacquiao dahil marami na siyang opsyon na puwede niyang tahakin dahil sa tagumpay na tinatamasa sa politika at ang pagkakaroon na ng maraming pera.
“I don’t know if the fire burns as high, I don’t know,” dagdag ni Atlas na isa sa maraming boxing fanatics na naniwalang nanalo si Marquez sa ikatlong pagkikita nila ni Pacquiao.
Sa kabilang banda, si Bradley na hindi pa natatalo at iiwan ang dinodominang WBO light welterweight division para harapin ang matikas na kampeon sa WBO welterweight class, ay gutom na gutom dahil alam nito ang magagawa ng panalo kay Pacman sa kanyang career.
“I think Bradley is a hungry kid. He still got stuff in front of him that he’d like to prove. You have to favor Pacquiao but Bradley is going to have a chance in that fight,” pahabol pa ni Atlas
Pero ang inaasahang upset ni Bradley ay hindi kinakagat sa betting odds sa Las Vegas dahil 3-to-1 ang angat ni Pacman.
Ang isang bagay na tiyak na mangyayari sa title fight na handog ng Top Rank ay ang pagdumog uli ng mga mahihilig sa boxing dahil matapos ang unang araw sa pagbenta ng tiket ay may 3,000 piraso na lamang ang pag-aagawan sa 16,000 seater na MGM Grand Arena.