Phl Patriots pinulutan ang Cobras

MANILA, Philippines - Patuloy ang pagratsada ng AirAsia Philippine Patriots sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) nang pabagsakin muli ang Bangkok Cobras, 80-72, kagabi sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.

Umalagwa sa 5-0 kalamangan ang Patriots at nagtala ng 18-point lead para maiangat sa anim ang kanilang winning streak at mapagtibay ang kapit sa liderato mula sa kanilang 7-1 baraha.

Tinalo na ng Patriots ang Cobras, 86-58, sa una nilang pagkikita noong Enero 14 sa San Juan Gym.

Nangunang muli si Anthony Johnson sa ibinigay na 26 puntos, 13 rebounds, 6 assists at 3 blocks, habang sina Ardy Larong at Warren Ybañez ay may 13 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, para punuan ang puwesto ni Nakiea Miller na may 9 puntos at 5 rebounds.

Ang mga Filipino imports na sina Marvin Cruz at Jai Reyes ay nagbigay ng tig-21 puntos para sa Cobras, may 3-5 baraha ngayon.

Pero hindi nakaporma sina Gentry Lewis at Michael Earl na nagsalo sa mahinang 15 puntos.

Show comments