Ateneo batters tatapusin na ang NU
MANILA, Philippines - Malalaman kung sino sa pagitan ng Ateneo at National University ang may masidhing hangarin sa pagkikita uli ng dalawa sa Game Two ng UAAP baseball Finals ngayon sa Rizal Memorial Ballpark.
Angat ang Eagles sa 1-0 sa maigsing best-of-three series pero hindi puwedeng isantabi ang kakayahan ng Bulldogs na manalo pa na siyang magdaragdag interes sa labang itinakda ganap na alas-9 ng umaga.
Nakauna ang host Ateneo sa NU noong Huwebes nang mag-init ang hitting at pitching ng una tungo sa 11-4 panalo.
Si Adrianne Bernardo ay nagpakatatag sa mound para sa Ateneo habang si Matt Laurel ang nagpasikat sa opensa nang kanain ang three-run homerun sa unang inning para hawakan agad ang kalamangan hanggang sa matapos ang tagisan.
Kaunting adjustments lamang ang inaasahang gagawin sa laro ng Eagles ngunit kung may isang bagay na inaalala si coach Emerson Barandoc, ito ay ang posibleng pagkakaroon ng kumpiyansa ng kanyang alagad matapos ang madaling panalo sa unang tagisan.
Handa naman si NU coach Isaac Bacarisas na gumawa ng ibang paraan upang hindi agad na matapos ang kanilang laban para sa kauna-unahang titulo sa baseball.
Noon pang 1965 at 1966 nangibabaw ang Bulldogs sa ball games na ito kaya’t masidhi ang pagkagutom na nararamdaman ng paaralan.
- Latest
- Trending