MANILA, Philippines - Mas maalab na paglalaro ang inaasahang makikita sa San Miguel Beermen sa muling paghaharap nila ng Westports Malaysia Dragons sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang laro ay itinakda sa alas-6 ng gabi at ang mananalo sa pagitan ng Beermen at Dragons ang hahawak sa solo ikalawang puwesto.
Kapwa may 5-2 karta ang magkabilang koponan upang mapag-iwanan ng nangungunang AirAsia Philippine Patriots na nasa tuktok ng walong koponang liga sa 6-1 baraha.
Yumukod ang Beermen sa Dragons sa unang pagtutuos na nangyari noong Enero 15 sa Kuala Lumpur, 77-83, sa overtime.
Dikit ang laro ngunit bumigay ang tropa ni coach Bobby Ray Parks sa overtime tungo sa kabiguan.
Tiwala naman si Parks na maipaghihiganti ng kanyang mga alipores ang nangyari noon dahil gumaganda na ang kanilang ipinakikita katuwang ni Doug Thomas.
Si Thomas ay naglista ng 23 puntos nang pangunahan ang Beermen sa 77-61 panalo laban sa Indonesia noong Pebrero 18.
Galing ang Dragons na hawak ni Filipino mentor Ariel Vanguardia sa 86-71 tagumpay laban sa Singapore Slingers sa huling asignatura.