MANILA, Philippines - Sinamantala ng Rain or Shine ang pag-upo ni import DeMarr Johnson sa second period upang talunin ang Barako Bull 99-95, sa elimination round ng 2012 PBA Commissioner’s Cup noong Huwebes ng gabi sa Al-Shabab Sports Center sa Dubai, United Arab Emirates.
Nagkaroon si Johnson ng groin injury sa 5:14 ng second quarter at tumapos na may 3 points para sa Energy laban sa Elasto Painters.
May 1-2 baraha ngayon ang Rain or Shine kagaya ng Petron Blaze at Meralco sa ilalim ng nagdedepensang Talk ‘N Text (1-0), Powerade (1-0), Air21 (1-0), (2-1), B-Meg (2-1) at Ginebra (1-1) kasunod ang Barako (1-3).
Humakot si import Duke Crews ng 27 points at 14 rebounds para sa unang panalo ng Elasto Painters.
“Malaking break ‘yung nawala ‘yung import nila. I think that’s the whole story in this game,” sabi ni Rain or Shine coach Yeng Guiao na nakatakdang sagupain ang Ginebra kagabi ng alas-7.
Nagposte ang Energy ng isang 11-point lead sa second period, tinampukan ng tatlong three-pointers ni Mick Pennisi, hanggang maungusan ng Elasto Painters sa third quarter, sa likod nina Crews, Jeff Chan, Beau Belga at rookie Paul Lee.
Nagdagdag si Belga ng 20 points para sa Rain or Shine kasunod ang 13 ni Lee at 12 ni Chan, samantalang pinangunahan ni Pennisi ang Barako Bull sa kanyang tinipang 19 markers.
Magbabalik bukas ang mga laro sa Smart-Araneta Coliseum kung saan makakatapat ng Tropang Texters ang Aces sa alas-6:30 ng gabi at makakalaban ng Tigers ang Bolts sa alas-4:15 ng hapon.