NU gustong makalapit sa titulo
MANILA, Philippines - Matapos mabigo sa asam na titulo sa men’s tennis, pupuntiryahin ng National University na makalapit sa asam na baseball title sa pagharap sa Ateneo sa pagsisimula ng 74th UAAP baseball finals ngayong umaga sa Rizal Memorial Diamond.
Sa ganap na alas-9 ng umaga itinakda ang unang bakbakan sa best of three finals at walang itulak-kabigin sa Bulldogs at Eagles na siya ring nagdomina sa double round eliminatons nang angkinin ang una at ikalawang puwesto.
“Fifty-fifty ang labanan. Nanalo sila sa first round pero nabawian namin sila sa second round. Kaya sa execution ito magkakatalo,” wika ni NU coach Isaac Bacarisas na nais patikimin uli ng titulo ang paaralan na huling nagkampeon noong 1965 at 1966 seasons.
Mas bata ang manlalaro ng Eagles pero hindi sila kulang sa karanasan dahil ang mga ito ay mga beterano ng World Series sa Little League baseball.
Si Adrianne Bernardo ang inaasahang magsisimula sa Ateneo habang alinman kina Aries Oruga o MJ Gante ang gagamitin ng Bulldogs.
Ang magwawagi ay magkakaroon ng pagkakataon na ibulsa na ang kampeonato sa Game 2 sa Linggo.
- Latest
- Trending