Lacuna triple gold medalist sa CLRAA
MANILA, Philippines - Nanalasa agad ang swimmer ng Malolos City na si Dexter John Lacuna upang maging kauna-unahang triple gold medalist sa pagbubukas kahapon ng swimming competition sa Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) sa Zambales Sports Complex sa Iba.
Sa athletics na idinadaos sa bagong latag na rubberized oval, ang mga lahok mula Pampanga ang humahataw nang manalo ng tatlong ginto upang mailinya ang sarili sa hangaring maging pinakamahusay sa sport sa ikalawang sunod na taon.
Ang 14-anyos na si Lacuna ay nangibabaw sa secondary boys 400m freestyle (2:42.41), 100m backstroke (1:05.37) at 200m butterfly (2:24).
Si Elijah Jean Antonio ay nanaig sa elementary girls 200m freestyle (2:42.41) para sa ikaapat na ginto ng Malolos na nakikipagpahusayan sa delegasyon ng Olongapo City at Bulacan sa paramihan ng ginto na may apat at dalawang gintong napagwagian.
Sina Dianne De Jesus (9.49m), Jenalyn Bermudo (1:17.89) at Angelo Manalo (1:10.91) ang mga nagwagi para sa Pampanga sa larangan ng secondary girls shotput at elementary girls at boys 400m hurdles upang itaas na sa pito ang ginto sa torneo.
- Latest
- Trending