NU hinubaran ng korona ang UST, kakasa sa Finals

MANILA, Philippines - Inangkin ng top seed Na­tional University ang ka­rapatang labanan ang Ateneo sa 74th UAAP men’s baseball matapos alisan ng korona ang UST sa 7-2 panalo kahapon sa Rizal Memorial Diamond.

Agad na nag-init ang mga batters ng Bulldogs at si catcher Alfredo Olivares ay nagpasok ng dalawang runs sa anim na kinamada ng koponan sa fifth inning para bigyan ang koponan ng 7-0 kalamangan.

Umiskor ng dalawa ang Tigers sa bottom fifth pero ito na ang huling hirit ng koponan dahil tumibay ang pukol ni MJ Gante na hindi ipinahinga sa kabuuan ng siyam na innings na tagisan.

 Ang Finals ay paglalabanan ng NU at Ateneo sa isang best of three series at ang Bulldogs ay magna­nais na makatikim uli ng titulo matapos kunin ang kampeonato noong 1965 at 1966 seasons.

Ang Game One ay iti­nakda sa Huwebes sa alas-9 ng umaga habang sa Linggo ang ikalawang tagisan. Kung kakaila­nga­nin, ang Game 3 ay masisi­layan sa susunod pang Huwebes (Marso 1).

Show comments