Aksyon sa athletics hahataw ngayon
MANILA, Philippines - Sisimulan ngayon ang tagisan para sa paghablot ng gintong medalya sa Central Luzon Regional Athletic Association na lalaruin sa Zambales Sports Complex sa Iba.
Mangunguna sa mga maglalabang delegasyon ay ang Bulacan na pupuntiryahin ang ika-18 overall title at ikaanim na sunod sa taong ito.
Hindi magpapabaya ang nasabing probinsya sa palarong katatampukan ng 18 sports na paglalabanan sa elementary at secondary levels dahil naglahok sila ng 669-taong delegasyon at 490 dito ay mga atleta.
Ang mga event na paglalabanan ay athletics, swimming, basketball, football, lawn tennis, sepak takraw, sipa takraw, volleyball, football, boxing, arnis, taekwondo, archery, baseball, softball, chess, gymnastics at table tennis.
Ang mga hihiranging kampeon sa kanilang mga events ay makakakuha na ng puwesto sa 2012 Palarong Pambansa na idaraos sa summer sa Pangasinan.
Pormal na binuksan kahapon ang kompetisyon na unang idinaos sa Zambales matapos ang 18 taon.
Si Cavite 2nd District Congresswoman Lani Mercado-Revilla ang tumayong panauhing pandangal na naunang ibinigay sa asawa at Senador Ramon Revilla Jr., upang makasama ang pamahalaang lokal sa pangunguna ni Governor Hermogenes Ebdane at anak na bagong upong 2nd District Congressman Jun Omar Ebdane.
Taong 1994 pa nang huling nakapagdaos ng regional meet sa Zambales kaya’t pinasalamatan ni Ebdane ang lahat sa pagdalo at tiniyak na gagawin nila ang lahat nang makakaya para maging kumportable ang mga bisita sa pamamalagi sa probinsya.
- Latest
- Trending