MANILA, Philippines - Kumpiyansa si Timothy Bradley, Jr. na hindi magagawa sa kanya ni Manny Pacquiao ang pambubugbog na ginawa nito sa kanyang mga nakalaban.
Hindi rin naniniwala ang 28-anyos na si Bradley na kaya siyang dominahin ng 33-anyos na si Pacquiao sa kabuuan ng kanilang laban.
“A lot of people are expecting him to go right through me and to dominate me every round and to possibly stop me, even though I don’t believe that will happen one bit,” ani Bradley.
Maghaharap sina Pacquiao at Bradley sa Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Pormal na ilulunsad nina Pacquiao at Bradley ang kanilang salpukan sa pamamagitan ng isang two-city, coast-to-coast media tour sa United States sa susunod na linggo.
Nakatakdang itaya ni Pacquiao (53-3-2, 38 KOs) ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Bradley (28-0-0, 12 KOs).
Magkikita sina Pacquiao at Bradley sa news conference luncheon sa The Beverly Hills Hotel sa Martes at sa New York sa Chelsea Piers sa The Lighthouse sa Huwebes.
Sa pagtatapos ng kanilang New York public news conference, babalik si Pacquiao sa Maynila, habang magpupunta naman si Bradley sa Bristol, Conn para maging isang in-studio guest sa ESPN Friday Night Fights.