Dela Hoya umaasang maitatakda ngayong taon ang Pacquiao-M'weather fight

MANILA, Philippines - Plano ng Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya na magtakda ng tatlong laban para kay Floyd Mayweather, Jr. ngayong taon.

At umaasa si Dela Ho­ya na isa rito ay kontra kay Manny Pacquiao.

“Hopefully we can nail down the Pacquiao fight real soon. Pacquiao just has to agree to fight because Mayweather wants to fight him,” wika ni Dela Hoya, pinagretiro ni Pacquiao noong Disyembre ng 2008.

Tatlong beses nabalam ang negosasyon para sa Pacquiao-Mayweather super bout. Ang huli ay nang hindi pumayag ang American fighter sa panukala ng Filipino boxing superstar na 50-50 purse split.

At nang hindi na ito na­tuloy ay pinili ni Maywea­ther (42-0, 26 KOs) na labanan si Cotto (37-2-0, 30 KOs) sa Mayo 5, habang haharapin naman ni Pacquiao (53-3-2, 38 KOs) si Timothy Bradley, Jr. (28-0-0, 12 KOs) sa Hunyo 9.

Ayon kay Dela Hoya, kung papayag lamang si Pacquiao ay puwede nang maitakda ang kanilang laban ni Mayweather bago matapos ang taon.

“We have just finali­zed Floyd Mayweather vs Miguel Cotto for May 5th so we are excited about that,” sabi ni De la Hoya.

Bago si Mayweather ay umasa rin si Juan Manuel Marquez (53-6-1, 39 KOs), ang kasalukuyang WBA at WBO lightweight king, na muli niyang makakaharap ang 33-anyos na si Pacquiao ngayong taon.

Binigo ni Pacquiao si Marquez via majority decision sa kanilang pangatlong pagtatagpo noong Nob­yembre 12 para ma­panatiling suot ang kanyang World Boxing Organization (WBO) welterweight belt. 

Show comments