Papasok na boxer sa Olympics dadaan sa matinding training
MANILA, Philippines - Matinding paghahanda ang balak gawin ng ABAP sa mga boksingerong makakapasok sa London Olympics.
Sa pagdalo ni ABAP executive director Ed Picson sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon, binanggit niya ang ilang plano tulad ng pagkuha ng foreign consultant, pagsasanay sa mga bansang may matibay na boxing program at paglipat ng maaga sa London na siyang mga ilan plano sa makakapasok sa Olympics upang maihanda nang husto ang mga ito.
“Our President Mr. Ricky Vargas has given his go signal to ensure Olympic-bound boxers will be given the best traning possible,” wika ni Picson.
Sa ngayon ay kumakausap na ang ABAP ng coach mula Kazakhstan gamit ang kanilang pederasyon upang makatulong sa paglatag ng training program sa mga aabante sa London.
Tanging si Mark Anthony Barriga ang nakatiyak ng puwesto sa London Games matapos mapabilang sa mga nag-qualify sa World Boxing Championships.
Sa ngayon ay siyam na men’s boxers at limang women’s boxers ang inihahanda para sa mga Olympic qualifying events na gagawin sa Abril at Mayo.
Ang mga nagtatagisan para makuha ang puwesto sa paglahok sa Qualifying tournaments ay sina Rey Saludar at Gerson Nietes (flyweight), Joegin Ladon at Junel Cantancio (bantam), Dennis Galvan at Rolando Tacuyan (light welter), Wilfredo Lopez at Nathaniel Montealto (welter) sa kalalakihan habang sina Josie Gabuco, Kate Aparri, Nesthy Petecio (48kg) at Rica Aquino at Janice Banares (60kg) ang sa kababaihan.
Si Charly Suarez na naglalaro ngayon sa Mumbai Fighters ng India sa World Series of Boxing, ang natatanging panlaban sa men’s lightweight division.
Maliban kay Suarez, ang iba pang boxers ay naghahanda na para lumipad patungong Astana, Kazakhstan para magsanay.
Ang men’s team ay magtatagal sa loob ng isang buwan sa nasabing bansa dahil dito gagawin ang Asian Olympic Qualifying Tournament na gagawin mula Abril 4 hanggang 13.
- Latest
- Trending