Marami Pang Big Men
Mukhang hindi naman mami-miss ng B-Meg Llamados si Kerby Raymundo na ipinamigay nila sa Barangay Ginebra kamakailan kapalit ni JC Intal at ng first round pick ng Air21 sa Agosto.
Kasi nga’y unlimited height ang format para sa mga imports sa kasalukuyang 2012 PBA Commissioner’s Cup. At sa Governor’s Cup ay 6-foot-5 naman ang itinakdang height limit para sa mga imports.
So, dahil dito ay kaunti na lang ang playing time para sa mga big men ng bawat koponan. Kasi nga, ang import ay lalaro ng 40 minuto pataas kapag nakapag-adjust na ito sa kundisyon sa PBA.
Eh, ang daming big men ng B-Meg. Nandiyan sina Marc Pingris, Joe Calvin Devance, Rafi Reavis at Yancy de Ocampo na maghahalinhinan sa power forward at center slot. Puwede ding mag-step down pa sa shooting forward ang mga big men na ito kung kakailanganin subalit marami naman kasing ibang shooters ang B-Meg at hindi puwedeng isakripisyo ang posisyong ito.
Bukod sa mga nabanggit na big men na kabilang sa rotation ng tao ni coach Tim Cone, aba’y nandiyan pa sina John Ferriols at Jerwin Gaco na hindi na nga nagagamit at nagsisilbi na lang na mga cheerleaders sa bench. Pero puwedeng gamitin ang dalawang ito bilang mga ‘import stoppers.’
Biruin mong ipinamigay pa ng B-Meg si Don Carlos Allado para sa point guard na si Mark Barroca at basta inilaglag na lang si Romel Adducul na pinulot ng Powerade nang walang kapalit.
Ganoon karami ang big men ng Llamados. Nakakainggit!
Eh mahusay pa ang kanilang import na si Denzel Bowles na produkto ng James Madison University. Bata pa ang 6’10 import na ito na bale 22 taong gulang lang kung kaya’t umaapaw sa energy.
Sa unang laro ng B-Meg noong Biyernes kung kailan tinalo nila ang Meralco Bolts, 95-93, si Bowles ay nagtala ng 27 puntos, 11 rebounds, 3 assists at 2 steals sa 36 minuto.
Sabi ni Cone, hindi pa ito sanay na maglaro ng 48 minuto dahil sa pinanggalingang liga nito sa Lithuania at 40 minutes lang ang game. At lima daw ang imports ng bawat team so hindi babad na babad ang mga ito. Baka nga less than 30 minutes lang per game ang import.
Isa pa’y malamig sa Lithuania at hindi humid tulad dito sa Pilipinas. So, hindi gaanong nakakapagod ang paglalaro.
Subalit sinabi din ni Cone na habang nagtatagal si Bowles ay nagagamayan naman niya ang paglalaro sa PBA. At kung kailangang-kailangan lang ay saka siya gagamitin ng 40 minuto o higit pa.
Kaya tama lang marahil na ipamigay nila si Raymundo kapalit ng mas athletic na si Intal. Kumbagay mas maraming galaw si Intal. Puwedeng tumira buhat sa three-point area at puwedeng pumoste.
Ang sinasabi nga lang ng iba’y tila dinadaga si Intal pagdating ng endgame. Napakaraming games kung saan nagmintis siya ng ilang very crucial freethrows sa dying seconds. Mayroon ding bigla siyang nawawalan ng focus.
Iito ang dapat na ma-correct ni Cone kay Intal. Kung mawawala itong inconsistency ni Intal ay mapapakinabangan siya nang husto ng Llamados. Puwede siyang maging chief reliever ng two-time Most Valuable Player na si James Yap o puwede ding magsabay sila sa hardcourt.
Kumbagay pinarami ni Cone ang kanyang offensive weapons sa pagdating ni Intal.
At halos kasing halaga ng pagpaparami ng sandata ay ang pangyayaring madagdagan ng exciting player ang Llamados. Marami din namang fans itong si Intal kaya madadagdagan ang fans ng B-Meg.
Sigurado iyan!
- Latest
- Trending