Bagong IBF Interim King na si Casimero babalik na sa bansa
MANILA, Philippines - Nakatakdang dumating sa bansa bukas si Filipino boxer Johnriel Casimero matapos ang kanyang panalo at kuyugin sa Club Once Unidos sa Mar del Plata, Argentina noong Biyernes ng gabi.
Dadalhin ng 21-anyos na tubong Ormoc City ang masaklap na karanasan makaraang lusubin ng mga galit na Argentinian fans.
Ito ay matapos talunin ni Casimero si hometown bet at 40-anyos na si Luis Lazarte via 10th-round TKO upang angkinin ang bakanteng interim International Boxing Federation (IBF) light flyweight belt.
Hindi pa man naitataas ni referee Eddie Claudio ang kamay ni Casimero para sa kanyang panalo kay Lazarte ay nilusob na siya ng mga Argentinian fans sa ibabaw ng boxing ring.
Maski ang Las Vegas-based promoter na si Sean Gibbons ay hindi nakaligtas sa mga panununtok at pambabato ng silya ng mga Argentinians.
"This was some crazy mofo bullbleep," ani Gibbons sa kanyang eksperyensa. "I got sucker punched a few times. I also got kicked in the head."
Nasugatan sa ulo si Casimero mula sa isang nambato ng silya sa kanya.
"Our new champ was hit with a chair and then kicked while he was down," sabi ni Gibbons.
May 16-2-0 win-loss-draw ring record ngayon si Casimero kumpara sa 49-11-2 (18 KOs) slate ni Lazarte.
Hihingi ng tulong sa IBF ang kampo ni Casimero ukol sa nangyari.
- Latest
- Trending