MANILA, Philippines - Sasandalan ng Pilipinas ang tatlong medalists sa 26th SEA Games para makapaglahok ng rowers sa 2012 London Olympic Games.
Si singles scull gold medalist Nestor Cordova at ang pares nina Alvin Amposta at Edgar Ilas na nanalo ng silver medal sa doubles sculls sa 2011 SEA Games ang ipadadala ng rowing association sa Asian Olympic Qualifying Tournament sa Abril 26-29 sa Chunju, Korea.
Ito ang unang pagkakataon na lalahok ang bansa sa Olympic qualifying event para sa London Games at naniniwala si rowing president Benjie Ramos na maganda ang kanilang tsansa na makakuha ng tiket.
“Hindi tayo nakasali sa World Championships last year na unang qualifying pero sa Asian Qualifying ay magpapadala tayo ng tatlong rowers na medalists sa SEA Games sa Indonesia. Ang top six sa singles sculls at top three sa doubles sculls ang papasok sa Olympics at nakikita ko na malakas ang tsansa natin dahil sa ipinakikita nilang time,” wika ni Ramos kahapon sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura.
Sa 2000-meter distance gagawin ang kompetisyon at si Cordova ay nakapagtala na ng 7:18 tiyempo na sampung segundong kapos sa nanalo ng gold medal sa 2010 Guangzhou Asian Games.
Sina Amposta at Ilas ay nakapagrehistro naman ng 6:49 sa Indonesia na mas mabilis sa 6:53 bronze medal time sa Guangzhou Asian Games.
Aminado si Ramos na hindi agad na basehan ang mga naitalang oras na ito ng kanyang rowers dahil iba-iba ang kondisyon ng tubig na kanilang pinaglalaruan.
“Pero may guide na tayo sa kanyang puwedeng gawin. Sa ngayon ay umaga at hapon ang kanilang training para maihanda sila sa tournament,” ani Ramos.