NLEX Aspirant's Cup Champion
MANILA, Philippines - Naghatid ng 15 puntos sa second half si Chris Ellis habang dinomina nina Calvin Abueva at Cliff Hodge ang shaded area para katampukan ang 89-75 panalo ng NLEX sa Freego Jeans at sungkitin ang kampeonato sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa The Arena sa San Juan.
Naunang nagdomina ang Jeans Makers at angat pa sa 45-41 sa pagtatapos ng first half pero hindi nila natapatan ang agresibong paglalaro ng Road Warriors na nakuha ang ikalawang sunod na titulo sa liga sa kagalakan ng mga nagsipanood sa pangunguna ni team owner Manny V. Pangilinan.
Dalawa sa tatlong tres sa second half ang ginawa ni Ellis sa ikatlong yugto na kung saan nagbagsak siya ng siyam na puntos para pangunahan ang 24-13 palitan at tuluyang mahawakan na ng Road Warriors ang momentum.
“Hindi naging madali dahil mahusay na team ang Freego. Gumamit sila ng tatlong bigmen at napilitan akong gumawa ng adjustments at inilagay si Hodge sa three position at si Ellis sa four. Mabuti na lamang ang nag-click ito para sa amin,” wika ni NLEX coach Boyet Fernandez.
Si Hodge ang puwersa sa ilalim ng Road Warriors sa kanyang ginawang 15 puntos, 17 rebounds at anim na blocks. Sa isang play sa fourth period ay tatlong sunod na supalpal ang kanyang ginawa upang lagyan ng tuktok ang bentahe sa frontline ng nagkampeong koponan.
Si Abueva ay mayroong 17 puntos at 12 rebounds bukod sa 3 assists habang sina Garvo Lanete, Emman Monfort, Ian Sangalang at RR Garcia ay nagsanib sa 29 puntos.
May 24 puntos si Eric Camson upang pangunahan ang apat na manlalaro ng Freego Jeans na tumapos taglay ang mahigit na 12 puntos. Pero sa huli ay naramdaman ng koponan ang mas mababaw na rotation para mabigo sa asam na kampeonato.
Hindi naman nasayang ang laro ng Gems dahil ang kanilang power forward na si Vic Manuel ang napili bilang Best Player of the Conference.
- Latest
- Trending