Pagunsan tatanggap ng PSA Presidential Achievement Award
MANILA, Philippines - Nakatakdang ibigay kay golfer Juvic Pagunsan ang Presidential Achievement Award ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa nalalapit na Annual Awards Night sa Marso 3 sa Manila Hotel.
Ang 33-anyos na si Pagunsan ang naging unanimous choice ng sportswriting fraternity para sa nasabing karangalan.
Siya ay kinilala bilang unang Filipino na tinanghal na Order of Merit champion.
Ang pro golfer mula sa Bacolod City ay ikinunsidera para sa Athlete of the Year award.
Subalit siya ay naungusan nina boxer Nonito Donaire Jr. at billiards’ world no. 1 player Dennis Orcollo.
Ilan sa mga nakatanggap ng PSA Presidential Achievement Award at sina boxing icon Manny Pacquiao, ang Philippine Azkals, four-time Philippine Basketball Association (PBA) MVP Alvin Patrimonio, ang Ateneo Blue Eagles team, Senator Manny Villar at ang world women’s trio champion na sina Liza Del Rosario, Liza Clutario at Cecilia Yap.
Inangkin ni Pagunsan ang Asian Tour Order of Merit title nang bumandera sa rankings sa kanyang kinitang $788,298 (P34 milyon).
Hinirang siya bilang Players’ Player of the Year ng Asian Tour Awards Gala sa Bangkok .
Noong 2011, tumapos si Pagunsan sa Top 10 sa Taiwan Mercuries Masters, ISPS Singapore Classic at sa UBS Hong Kong Open.
- Latest
- Trending