2 NCAA titles puntirya ng Perpetual

MANILA, Philippines - Todo-suporta ang inaasahang ipakikita ng mga pa­natiko ng host University of Perpetual Help System Dal­ta dahil pupuntiryahin ng mga koponan nito ang da­lawang titulo sa paglarga ng Game Two sa 87th NCAA volleyball finals ngayon sa Ninoy Aquino Stadium.

Ang nagdedepensang Altas ay babangga muli sa San Beda sa ganap na alas-2 ng hapon sa men’s division bago sumunod ang tagisan ng Lady Altas laban sa Letran Lady Knights sa alas-3:30 ng hapon sa wo­mens class.

Namumuro ang dalawang koponan ng Perpe­tual matapos angkinin ang unang tagisan noong Biyernes.

Namayani sa tatlong sets ang Altas sa Red Lions, 28-26, 25-22, 25-22, ha­bang ang Lady Altas ay kinailangan ng limang sets para talunin ang Lady Knights, 25-16, 23-25, 25-27, 25-20, 15-10, upang ma­ngailangan na lamang ng isa pang panalo sa best-of-three title series.

"Pipilitin naming tapusin na ang laban ngayon at hu­wag ng magkaroon ng Game Three. Alam kong gagawa sila ng mga adjustments pero paghahandaan namin ito," wika ni Lady Al­tas’ coach Mike Rafael.

Unang titulo sa women's volleyball ang mapapasakamay ng Lady Altas kaya't to­do-bigay ang inaasa­hang laro mula sa kanilang mga bataan.

Show comments