MANILA, Philippines - Matapos mabigyan ng magandang laban ang nagdedepensang Talk ‘N Text sa nakaraang 2011-2012 PBA Philippine Cup Finals, tila nahaharap sa mas mabigat na pagsubok ang Powerade.
Ikinabigla kahapon ni Best Player of the Conference awardee Gary David ang balitang dadalhin ng Tigers si Fil-Am rookie Marcio Lassiter sa Petron Blaze Boosters upang makuha sina 2010 No.1 overall pick Nonoy Baclao at Rey Guevarra.
“This is UNFAIR!! No idea what’s happening to the team,” protesta ni David na idinaan niya sa kanyang Twitter account.
Ang pagdadala ng Powerade sa Petron Blaze ay sinasabing unang hakbang para sa muling pagbili ng San Miguel Corporation sa Coca-Cola Bottlers Inc.
Idinaan ng isang miyembro ng PBA Board of Governors sa text ang kanyang nararamdaman sa pagbili ng SMC sa Powerade franchise.
“I will be respectfully writing a letter within the next few days to request for an emergency meeting given the disturbing developments as written in the media,” wika ng Governor.
Ibinunyag ng isang SMC official na ang bendisyon na lamang ni PBA Commissioner Chito Salud ang kailangan para matuloy ang nasabing trade.
Ang 6-foot-2 na si Lassiter ay nagtala ng mga averages na 16.9 points, 6.0 rebounds, 3.9 assists at 1.4 steals para sa Tigers sa nakaraang conference.
Sina David at Lassiter ang naging sandigan ng Powerade para makarating sa finals laban sa Talk ‘N Text na tumalo sa kanila, 4-1, sa serye.