MANILA, Philippines - Pipilitin ng San Miguel Beermen na mapag-init uli ang kanilang laban sa 3rd ASEAN Basketball League sa pagharap sa Bangkok Cobras ngayong sa Ynares Sports Center sa Pasig City.
Dumapa ang Beermen sa kanilang huling laro laban sa Singapore Slingers noong Linggo, 63-71, upang mapurnada ang asam sana ng tropa ni coach Bobby Parks na magkaroon ng 2-game streak sa kanilang magkasunod na away games.
Ang naturang laro ay mapapanood sa Star Sports/ESPN.
Unang nanalo ang koponan sa nagdedepensang Chang Thailand Slammer, 68-59, na nilaro noong Enero 29.
Isa sa binanggit ni Parks na dahilan ng pagkatalo ay ang kanilang masamang shooting dahilan upang walang nakasuporta sa kanilang imports sa pangunguna ni Dalron Johnson.
“We had a slow start again and the Slingers’ import (Don Dulay) hurt us with 23 points. Plus we have problems with a back up guard so Froilan (Baguion) had to play extended minutes,” wika ni SMB coach Bobby Parks.
“Our top scorers Benedict (Fernandez) and Leo (Avenido) made just two of 16 attempts from the field. We also failed to convert down the stretch after tying the ballgame,” dagdag pa ni Parks.
Sa pagbabalik sa homecourt naniniwala si Parks na manunumbalik ang kinang ng laro ng Beermen dahil sa karagdagang kumpiyansa.
Tiyak na pupukpok ang Cobras matapos makakuha ng magandang panalo laban sa Westports Malaysia Dragons, 73-70, sa kanilang huling asignatura upang makatabla ang Beermen sa 2-2 baraha.
Sina Filipino guard Marvin Cruz at mga American imports Gentry Lewis at Michael Earl ang magtutulung-tulong uli para maipagkaloob sa Cobras ang kanilang kauna-unahang back to back victories sa walong koponang liga.
Bukas ay sasalang naman sa nasabing venue ang Philippine Patriots laban sa Dragons sa inaasahan pang maaksyon na bakbakan sa pagitan ng mga koponang nasa itaas ng standings.