MANILA, Philippines - Darating sa bansa ang mga bigating bisita mula sa FIFA para saksihan ang Kasibulan Football na gagawin sa Calamba, Laguna mula Pebrero 9 hanggang 12.
Si Prince Ali Bin Al-Hussein ng Jordan na siya ring vice president ng FIFA ang tatayong panauhing pandangal sa pagbubukas ng torneo na para sa mga kabataang lalaki na edad 9 hanggang 17.
Ang torneo na itinataguyod ng Calamba Football Festival Organizing Committee sa pangunguna ni Joey Lina katuwang ang Philippine Football Federation (PFF) ay kakikitaan ng tagisan sa elementary at high school level.
Ito ang unang proyekto sa PFF sa kanilang pinalakas na grassroots program na magtatagal sa loob ng pitong taon at layunin nilang makabuo ng malakas na koponan na balak ilaban sa 2019 Under 17 World Cup.
“Ang mga edad 9 hanggang 12 ay maglalaro sa elementary habang ang 13 hanggang 17 ang age group sa secondary. Umabot din sa 55 public at 4 na private schools ang nagpatala kaya’t nananabik kami sa kompetisyong ito,” wika ni Lina sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura kahapon.
Inaasahang makakasama ni Prince Al-Hussein sa opening ceremony sina POC president Jose Cojuangco Jr., PSC chairman Ricardo Garcia at PFF president Nonong Araneta.
Bukod sa palaro ay magkakaroon din ng clinics at workshops na pangangasiwaan ng PFF at Laguna Football Association (LFA).