Maquinto pumanaw na
MANILA, Philippines - Pumanaw na si Karlo Maquinto ang boksingerong kumulapso matapos ihayag ang nanalo sa kanilang laban kontra kay Mark Joseph Costa na nangyari noong Enero 28 sa Recom Dome, Amparo Subdivision sa Caloocan City.
Ang 21-anyos na si Maquinto ay idineklarang namatay na ng mga doktor na tumitingin sa kanya sa Far Eastern University (FEU) Hospital sa Fairview City sa ganap na alas-10:15 kahapon ng umaga.
Bumagsak ng dalawang beses si Maquinto sa first round pero tibay ng dibdib ang kanyang ipinakita nang natapos nito ang laban na inilagay sa walong rounds at nakahirit pa ng tabla kay Costa.
May anim na dikit na panalo bago ang nasabing laban, nakatayo pa si Maquinto nang inianunsyo ang resutla ng laban bago unti-unting bumagsak dahilan upang agad na itong itinakbo sa ospital.
Hindi na siya naoperahan dahil sa sobrang pamamaga ng kanyang utak hanggang sa binawian ito ng buhay.
Si Gerry Peñalosa na siyang tumayong promoter ng laban na ang main event ay sa pagitan ng kanyang pamangkin na si Dodie Boy Peñalosa Jr. at Superjames Singmanasak ng Thailand na nauwi sa first round KO panalo ng Filipino boxer ay agad na tumungo sa ospital at nagpaabot ng tulong pinansyal sa mga naulila ng boksingero.
Si Maquinto ang unang boksingero matapos ang limang taon na namatay sa ring dala ng head injury.
Ang huling nailista ay si Lito Sisnorio ng Kidapawan City na napatulog sa fourth round ni Chatchai Sasakul ng Thailand noong Marso 30, 2007.
Namatay siya ilang araw matapos dalhin sa ospital.
Wala namang pananagutan ang sinuman sa pangyayari kay Maquinto dahil pasado siya sa medical at sumabak sa laban tangan ang matikas na 6-0 kasama ang 4 KOs.
- Latest
- Trending