MANILA, Philippines - Taong 1999 nang huling nakapagpasikat ang mga boksingero ng Bago City.
Labindalawang taon matapos ito ay nagbabadya ang nasabing Siyudad na mapanumbalik ang dating mataas na estado sa boxing nang magpasok sila ng apat na boksingero sa 2012 PLDT-ABAP Visayas Area Championships na idinadaos sa Robinson’s Mall sa Dumaguete City.
Ang dating national pool member na kumakampanya sa Youth light weight division na si James Palicte kasama sina pinweight Raymart Flores at junior light flyweight Ramonito Ladon Jr. at light bantamweight Jesmar Martir ang mga nagsipanalo sa idinaos na semifinals noong Sabado.
Tampok na panalo ang kinuha ni Palicte nang hiritan ng RSC panalo sa ikatlong round ang pambato ng Mandaue City na si Eleno Traya upang mamuro ang Bago City na maagaw ang titulo sa Mandaue sa edisyong ito.
Ang Mandaue na nagpasok ng anim na boxers sa semis ay nanalo lamang ng tatlo na sina Kevin Jake Cataraja, Rolan Servania at Mardie Nuana.
Maliban sa Bago City ay mapapalaban din ang nagdedepensang kampeon sa Tagbilaran City na naipasok ang lahat ng tatlong boksingerong inilalaban sa apat na araw na torneo na inorganisa ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) at suportado ng PLDT at may basbas ng City at Provincial Government.
Si Jessel Mark Araula na national champion mula pa noong 2007 ay nagwagi kay Jeffrey Bagacay ng Bago City sa RSC may 2:22 sa second round sa youth bantamweight division.
Si Cantrel Cherwellan ay nanaig kay Steven Noblefranca ng Cebu, 8-7, sa youth bantamweight habang si Kenneth Centallan ay nagwagi kay Ronald Bryan Remedio ng Mandaue City, 8-3, sa junior light flyweight division.