MANILA, Philippines - Sinilo na ng mainit na University of Perpetual Help System Dalta ang unang puwesto sa NCAA women’s volleyball finals nang talunin uli ang nagdedepensang San Sebastian, 25-11, 25-19, 25-11, kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Sina Sandra delos Santos at Norie Jane Diaz ay nagsanib sa 29 hits para itulak ang Lady Altas sa ikalawang sunod na panalo sa Lady Stags sa 87th season at kunin ang puwesto sa championship round sa single-round semifinals.
May 11-0 karta sa kabuuan ang Lady Altas na nagpapatibay sa hangaring titulo sa kanilang dibisyon.
“Masaya kami at napapanatili namin ang aming winning streak. Sana ay hindi magbago hanggang sa championship round,” wika ni coach Mike Rafael.
Tulad ng Lady Altas, ang men’s team ng Perpetual ay hindi pa rin natatalo nang kunin ang 22-25, 25-17, 19-25, 25-22, 16-14, dikit na panalo laban sa San Beda.
May 2-0 karta ang nagdedepensang kampeon sa men’s division at kailangan pa nilang manalo sa Arellano University sa Lunes para marating ang Finals.
Tuwang-tuwa naman si League president at Policy Board chairman Anthony Tamayo ng Perpetual sa ipinakikita ng kanilang atleta.
“We’re proud of them and I’m hoping they will keep up the good work,” wika ni Tamayo.