Garduce pinanghinaan ng loob bago naakyat ang ika-7 Summits
MANILA, Philippines - Inamin ni Romy Garduce na umabot na siya sa puntong pinanghihinaan na ng loob kung pagkumpleto sa pitong Summits sa pitong kontinente ang pag-uusapan.
Sa isinagawang homecoming press conference nitong Martes ng gabi sa Travel Café sa Greenbelt 5, Makati City, nakaramdam na siya na hindi na niya makukumpleto ang layunin dahil inabot ng tatlong taon bago siya nakaakyat uli ng bundok.
“Nangamba ako before na hindi ko matatapos ang pag-akyat sa Seven Summits. Pero dahil sa pagtulong din ng mga sponsors ay nakumpleto ko ang aking hangarin. It’s a relief na finally, natapos ko ang tinawag kong unfinished business ko,” pahayag ni Garduce na sinamahan sa pagpupulong nina GMA sports and special projects manager Marivic Araneta at Jackie Quintos na CEO ng Primer Group of Companies.
Noong Enero 5, ganap na ika-6:45 ng gabi (Enero 6, 5:45 sa Pilipinas), tuluyang tinapos ni Garduce ang kanyang misyon nang maabot ang tuktok ng Mt. Vinson Massif sa Antarctic Region para isama sa mga naunang inakyat na Mt. Kilimanjaro sa Africa (Setyembre 2002); Mt. Aconcagua sa Argentina (Enero 2005); Mt. Everest sa Nepal (Mayo 2006); Mt. Elburs sa Russia (Agosto 2007); Mt. McKinley at Denali Peak sa North America (Hulyo 2008); Mt. Koscuiszko ng Australia (Disyembre 2008) at Mt. Carstensz Pyramid sa Indonesia (Hulyo 2011).
“Itinuturing kong pang-apat sa pinakamahirap na akyatin ang Mt. Vinson Massif dahil sa effort na kailangan mong gawin at ang slope ng terrain lalo na kapag malapit na sa itaas. Mahalaga ito sa akin at maipagmamalaki ko kahit kanino,” ani pa ni Garduce na siyang lumabas bilang kauna-unahang Filipino climber na nakagawa ng bagay na ito.
Magpapahinga muna si Garduce ng ilang taon pero tutulong siya sa paghubog ng mga puwedeng tingalaing Filipino sa hinaharap sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lectures at paglimbag ng libro patungkol sa Alpine climbing.
Nagpasalamat naman sina Araneta at Quintos dahil maayos na nakabalik ng bansa si Garduce at si Quintos ay nagbigay ng tsekeng nagkakahalaga ng P200,000 bilang ambag nito sa naging gastos sa expedisyon sa Antarctic region.
- Latest
- Trending