University of Visayas, St. Bridget umiskor ng panalo sa SBP National Under 16 basketball tournament
BAGUIO CITY, Philippines — Pinadapa ng University of Visayas ang Holy Child School, 81-68, at giniba ng St. Bridget College ang host University of Baguio, 75-60, sa 2012 Samahang Basketbol ng Pilipinas National Under 16 dito sa UB gym.
Nagmula sa isang 84-71 panalo kontra sa La Union College of Nursing and Arts matapos mabigo sa kanilang unang laro laban sa St. John Institute, kinuha ng UV ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Mula sa 46-50 agwat pagpasok ng final period, ipinalasap naman ng St. Bridget ang ikatlong dikit na kabiguan ng UB .
Sina Ronniel Zyron Bausas, Ralph Haroki Ramos at John Paolo Carandang ang nagdala sa opensa ng St. Birdget sa fourth quarter laban sa UB.
Umiskor si Bausas ng 14 sa kanyang game-high 21 points sa final canto.
Nasiyahan naman si Baguio City Mayor Reinaldo Bautista, Jr. sa pamamahala ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa nasabing torneo na nagtatampok sa mga regional high school champions.
“We worked hard and consolidated our efforts to make sure all the participating teams, their coaches, officials and parents of the players have fond memories once they return home to their provinces,” ani Bautista.
Samantala, limang laro ang matutunghayan sa Benguet sa Cordillera Career Development College court at dalawa naman sa ECI gym.
Makakatapat ng St. Bridget ang ISBB ngayong alas-9 ng umaga kasunod ang laro ng St. Louis at winless JDV sa alas-10 sa girls’ division.
Haharapin ng St. Clare ang LUCNAS sa alas-11:30 at lalabanan ng UST ang Sacred Heart sa ala-1:30 ng hapon.
- Latest
- Trending