MANILA, Philippines - Handang buksan ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) ang pintuan para sa mga Fil-Foreign baseball players upang mapalakas ang koponang ilalaban sa World Baseball Classic qualifying round.
Kailangang tumibay ang koponang isasalang dahil sa tindi ng makakalaban sa kanilang group elimination.
Ang Thailand, New Zealand at Chinese Taipei ang kasama ng Pilipinas at ang mangunguna matapos ang double elimination format ang uusad sa tournament proper sa 2013.
“There is a need to reinforced the team with Fil-Ams to make the team more competitive and we need to start looking for them now,” wika ni Marty Eizmendi na tumulong sa pambansang koponan na nakalaro sa 26th SEA Games sa Indonesia at nanalo ng gintong medalya.
Sakaling makatuklas ng mahuhusay na Fil-Foreign players, naniniwala si Eizmendi na makakatulong ito para makaakit din ng sponsors na siyang nangyayari ngayon sa Azkals sa football.
Handa namang tumulong sa abot ng kanyang makakaya ni Rick Dell ang US Major League Baseball Development director for Asia sa paghahanap ng reinforcements.
“There are a lot of Fil-Americans in Southern California who are more than willing to play for the team for the World Baseball Classic. Aside from getting players, you also need to spend time for scouting because you don’t know the players whom the other teams are bringing in,” pahayag ni Dell na dumating sa bansa noong Huwebes.
Pinalawig ang mga kasali sa World Baseball Classic nang isama ang 16 koponan dahil hindi na kasali ang baseball sa Olympics.
Ang 16 koponang ito ay hinati sa apat na grupo na magsasagawa ng group eliminations at ang apat na mangunguna ang aabante kasama ang 12 seeded teams sa tournament proper sa 2013.
Nilagdaan ni PABA chief Hector Navasero ang kontrata na ipinadala ng US Major League.