WASHINGTON - Tinapos ng Washington Wizards ang seven-game winning streak ng Oklahoma City Thunder mula sa kanilang 105-102 panalo.
Umiskor si John Wall ng 25 points, habang may 24 si Nick Young at 18 si Jordan Crawford para sa Washington, natalo sa 12 sa kanilang unang 13 laro.
Humakot rin si Wall ng 8 assists at 7 rebounds at 13-of-14 clip sa freethrow line.
Nagdagdag si Andray Blatche, hindi nakita sa tatlong laro bunga ng kanyang sprained right shoulder, ng 12 points, 10 rebounds, at 4 assists para sa Wizards.
Tumipa si Russell Westbrook ng 36 points para pangunahan ang Thunder kasunod ang 33 ni Kevin Durant.
Matapos mag-init sa second at third quarter, nagtala ng malamyang 11-of-17 fieldgoals sina Westbrook at Durant sa fourth period.
“It’s not the end of the world. We lost to a hungrier team than us,” sabi ni Durant. “It hurts, because we want to win every game, especially me, I want to win at home, but you’ve got to look past it.”
Mula sa isang 9-point deficit sa third quarter, humabol ang Wizards para kunin ang 88-85 lamang sa fourth period.
Sa iba pang laro, tinalo ng San Antonio ang Orlando, 85-83; binigo ng Denver ang Philadelphia, 108-104; pinayukod ng Boston ang Toronto, 96-73; hiniya ng New Jersey ang Golden State, 107-100; ginitla ng Phoenix ang New York, 91-88; dinaig ng Memphis ang New Orleans, 93-87; iginupo ng Atlanta ang Portland, 92-89; giniba ng Minnesota ang Detroit, 93-85; isinalya ng Sacramento ang Indiana, 92-88; at pinuwersa ng LA Clippers ang Dallas, 91-89.