Big Chill, Freego Jeans nanaig sa q'finals
MANILA, Philippines - Dominanteng paglalaro ang ipinamalas ng Big Chill at Freego Jeans upang durugin ang mga nakalaban sa PBA D-League Aspirants’ Cup quarterfinals kahapon sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.
Bumangon ang Superchargers sa 9-22 iskor sa first period nang magbaga ang kanilang laro sa ikalawa at ikatlong yugto tungo sa 82-62 tagumpay sa Blackwater Elite sa unang bakbakan.
Nilimitahan ng Big Chill ang Elite sa pinagsamang 17 puntos sa middle quarters para kunin ng koponan ang 57-39 kalamangan papasok sa huling 10 minuto ng bakbakan.
“Goal namin ang makarating sa semifinals at masaya ako dahil hindi bumigay ang mga bata kahit naunang nakalamang ang kalaban. Ang focus ay laging nandoon at ito ang kailangan namin kung gusto naming umabot sa finals,” wika ni Big Chill coach Arsenio Dysangco.
Si Jessie Collado ay naghatid ng 15 puntos, habang 12 puntos at 11 boards ang ibinigay ng center na si Jewel Ponferrada.
Hindi naman nagpahuli ang Freego Jeans, na tulad ng Big Chill ay may tangan na ‘twice to beat’ advantage, nang iuwi ang 87-63 panalo laban sa Boracay Rum.
Ang mga sinasandalang manlalaro sa Adamson na sina Janus Lozada, Lester Alvarez at Eric Camson ang nagsanib sa 53 puntos at ang Jeans Makers ay binuksan ang laro sa 28-8 iskor patungo sa one-sided na labanan.
“Nandoon ang aggressiveness ng mga players at ito ang key sa larong ito,” wika ni coach Leo Austria.
Ang pagkatalo ng Elite at Waves ay tumapos sa kanilang kampanya.
Sunod na haharapin ng Big Chill ang Cebuana Lhuillier, habang ang NLEX ang babanggain ng Freego Jeans sa semifinals na inilagay sa best-of-three series at sisimulan sa darating na Martes.
Big Chill 82 – Collado 15, Ponferrada 12, Maconocido 9, Mallari 9, Reyes 9, Glorioso 8, Jensen 8, Dizon 6, Santos 2, Tan 2, Custodio 2.
Blackwater 62 – Bautista 17, G. Ciriacruz 17, Fortuna 17, Bringas 7, Acidre 6, I. Ciriacruz 6, Afuang 2, Tan 2, Pascual 0, Doligon 0.
Quarterscores: 9-22; 35-31; 57-39; 82-62.
Freego Jeans 87 – Lozada 19, Alvarez 18, Camson 16, Nuyles 7, Austria 7, Apinan 6, Lopez 6, Brondial 4, Manyara 2, Sumalinog 1, Rios 1, Elinon 0, Monteclaro 0, Cabrera 0.
Boracay Rum 63 – Sabellina 19, Bandaying 19, Hermosisima 7, Terso 5, Rosopa 4, Cornejo 3, Siruma 3, Khobuntin 2, Acibar 1, Abaya 0, Morial 0, Aguilos 0, Baloran 0.
Quarterscores: 28-8; 52-23; 68-43; 87-63.
- Latest
- Trending