MANILA, Philippines - Nagbunga ang paghahanda at recruitment na ginawa ng University of Perpetual Help System Dalta sa larangan ng lawn tennis nang kunin ang 3-0 panalo laban sa Jose Rizal University sa pagsisimula kahapon ng 87th NCAA competiton sa Rizal Memorial Tennis Center.
Hiniritan ng Altas number two player na si Elson Solon ng 6-3, 6-0, panalo si Raymond Angeles bago sina Russel Arcilla, ang kanilang number one ay nakipagtulungan kay Kim Polerosa 6-0, 6-1, dominasyon laban kina Melvin Ajoc at Allaine Pila sa doubles.
Tinapos ni Jeremiah Macias ang Heavy Bombers sa bisa ng 7-5, 6-4, panalo kontra kay Rhesty Boy Mano tungo sa sweep at 1-0 karta sa torneo.
Masidhi ang hangarin ng Altas na mangibabaw sa kompetisyon dahil noon pang 1996-97 nang huling nanalo ng kampeonato sa dibisyon ang paaralan na siya ring host school sa taong ito.
“Magandang simula, sana ay magtuluy-tuloy ito,” wika ni Perpetual coach Belen Dante.
Bago ang labanan ay pinangunahan nina League President Anthony Tamayo ng Perpetual Help at Vince Fabella ng Jose Rizal ang simpleng opening ceremony.
“So far so good.,” wika ni Tamayo na ang paaralan ang tatayong host ng soft tennis na magsisimula bukas sa Perpetual Las Piñas Campus.